Pinipilit lumabas sa mundong ibabaw ng matambok, mapupula at makinis na halimaw na kinatatakutan ang mga magagandang dilag. Minsan nga ay nagtatampo na ang halimaw na ito sapagkat kahit alam niyang hindi niya ginustong lumabas at magpakita sa mga dilag wala siyang magawa. Naiinis na ang halimaw na ito sa lahat ng alipusta, lahat ng mura at pagkunot ng noo ng kanyang biktima, hindi niya ito gusto, ngunit patuloy pa rin sa paggawa ng dahilan ang mga taong ayaw sa kanya upang siya ay malikha at muling mgahasik ng lagim
Inosente siya ngunit hindi naniniwala ng lahat. Patuloy siya sa paglaki kasabay nito’y malakas na hinaing ng kanyang biktima. Maya-maya pa’y naramdaman niya ang pagsaksak sa kanya ng puting bagay na nagdulot ng pagdurugo ng buong katawan nito. Makailang sandali pa’y mas tumitindi ang kanyang pagkasuklam sa daigdig sapagkat alam niyang kaunting panahon na lamang ang ilalagi niya sa daigdig. Nanatili siya sa kanyang kinalalagyan, nararamdaman niyang tumitindi ang pagbuhos ng kanyang dugo.
Sa kabila nito kitang kita ang ngiti sa kanyang mapulang mukha, sapagkat alam niyang kahit mamatay pa siya ay magiiwan siya ng palatandaan na magsasabing, minsan ay may isang halimaw na dumapo sa mukha ng pumaslang sa kanya.
( Isinulat habang pinagmamasdan ang magandang mukha ng mahal ko kaninang umaga, February 5, 2010)
No comments:
Post a Comment